Magsisimula ako ng bagong series ng posts na puro bullets lang ang laman. Ganyan ang magiging post ko tuwing fragmented ang utak ko…para madaling magkwento. :p

  • Unang araw akong nagkumpletong uniporme nung Biyernes. Sayang, wala akong litrato.😦
  • Marami kaming ginawa nung Biyernes para sa OS 203 (Dermatology). Napadaan ako sa loob ng PGH…at dahil nakauniporme na ako, habang dumadaan ako sa mga pasyente sa loob ng Wards 1&3 naramdaman kong ako’y isa nang GANAP NA MED STUDENT.
  • Isang pantaas pa lang ang naibibigay ng mananahi sa akin. Kulang pa ako ng isang set at 3 pantaas. Marami pa kasi akong pinabago muli, ganoon ako kapili at kametikuloso sa aking uniporme.
  • Masarap ang telang PEACHTWILL, malambot at maganda ang bagsak. Nakakainis at dalawa lang ang sets ko ng ganun. US Clothman kasi yung tatlo.
  • Madali ring napagsasawaan ang uniporme, lalo na’t mainit siya pag sinusuot.😦 Hindi ko alam kung dahil mabilis lang talaga ako magsawa.
  • Nagpunta akong gym kanina para masabi lang sa sarili kong hindi ako tataba ngayong weekend porket nasa bahay ako. Wag ka, matapos kong magwork-out, KUMAIN din ako ng Tuna sandwich at Watermelon shake. Tangina, bawi-bawi lang.🙂
  • Wala ring binatbat ang pagrereview buong weekend para sa OS 202 exam. Sa Neuroanatomy part, IBA ang pokus kesa sa ibinigay sa lecture. Sa totoo lang, pwedeng-pwede kaming magreklamo. Pero hindi e…masyado kaming maraming ginagawa para intindihin pa yun…tsaka na pag lumabas na ang resulta sa exam namin nung Martes.
  • May panibagong exam na naman kami sa July 7, Huwebes, tungkol sa Dermatology. Maganda ang OSI dahil ngayon, tinuturuan na kami ng Physical Examination ng mga pasyente (kahit skin PE pa lang). At least may application agad. Ang mahirap, ang dami-daming impormasyon na kailangan mong isaksak agad sa utak mo para magawa iyon. HINDI DAHAN-DAHAN ANG PROSESO. Malas lang talaga namin.😦
  • Nung Huwebes, nageksamin na kami ng aming unang mga pasyente. May mga nakilala kaming buntis, bata, matanda, at isang baby. Lahat sila may reklamo sa kanilang balat. Astig daw yung grupo namin nung nagtatanong kami para sa Dermatologic History (Derma Hx) kasi para kaming may sistema, iisang line of thought lang daw ang sinusundan namin. Ang nagsabi sa amin nun ay si preceptor Valentina…ang kontrabida sa DERMA!!! (Isigaw nang parang si Angel Locsin ang sumisigaw…hehehe)
  • Lumabas kami ng moviefriends nung Martes ng gabi, nanood ng Hotel Rwanda sa Rob Manila. O diba? Hanggang sa Manila naka-abot na ang moviefriends! Hehehe, natutuwa ako dahil sinadya pa nila ako sa Manila kahit sila’y taga-QC at Pasig pa. Para maiba naman diba?🙂
  • Noong Sabado namatay si Teacher Pat, ang aking kindergarten teacher. Nalulungkot ako sa nangyari…siya ang unang kilala kong tao na namatay. As in kilala talaga. Madalas kasi na kapag kamag-anak ang namamatay sa amin, hindi ko sila kilala. Ito, talagang nakakausap ko siya at kilalang-kilala talaga.
  • Mabait sa akin si Teacher Pat. Marami akong mga magagandang ala-alang sa kanya. Marahil dahil siya ang unang teacher na nakilala ko talaga at natatandaan. Siya ang nagturo sa akin kung paano magsulat nang wasto, nagturo kung paano magdrawing ng tutubi, nagpakita sa akin ng pagkakaiba ng mangkok sa cup, nagturo ng pagkakaiba ng paru-paro at bubuyog, nagsabi na may iba’t ibang kulay ang bahag-hari, nagkwento tungkol kay Langgam at kay Tipaklong, at marami pang iba.
  • Nakakakilabot lang dahil minsan, nang magkita kami nang ako’y pagraduate na sa High School, nalaman niyang nakapasa ako at papasok akong Intarmed. Sabi niya sa akin, paglaki ko daw, gamutin ko daw siya (may CA siya kasi). Sinabi din niya na “hanggang paglaki mo, susubaybayan kita…”
  • Alam kong kapiling na niya ang Poong Maykapal ngayon sa langit. Mami-miss kita Teacher Pat. :’/

+++

POP


EBIDENSYA
Unang beses kong isuot ang aking pantalon noong Miyerkules, nang pagkakakuha ko pa lamang ng aking uniporme. Pag-uwi ko, napansin kong may malaking mantsa na ng itim na langis sa may tagiliran ko. Sabi ko na nga ba, hindi talaga ako pwedeng magsuot ng puti. Hehe. :]