Location: Tagaytay

Music: Cranberries – Linger

Time in: 11/14 – 12:05 am

Hating-gabi na at mag-isa akong nagtatakatak sa laptop ko dito sa may veranda ng bahay na tinutuluyan namin dito sa Tagaytay. Kasalukuyan akong nababalot ng ginaw ng panahon. Ang sarap ng simoy ng hangin, isa ito sa mga bagay na hindi ko nararanasan tuwing nasa Maynila ako. Malamig na nga…ber season? Marahil dahil nasa Tagaytay ako. Nakakasenti tuloy.

Kapapatay ko lang ng music player ko…mas gusto ko kasing marining ang tunog ng mga kuliglig sa saliw ng pag tak-tak ng mga aking keyboard. Paminsan-minsan ko ring maririnig ang malambing na pagdaloy ng hangin sa mga dahon ng puno sa paligid ko. Lubos ngang nakakasenti…

Ang sarap isipin na kabaligtaran ng nararanasan ko ngayon ang naranasan ko isang gabi na ang nakalipas.

Isang araw noong nakaraang linggo, naisip ko na maghanda na lang para sa mga kaibigan ko para sa aking kaarawan. Dahil hindi ako nakapaghanda noong nakaraang taon, at dahil naging tradisyon na ng barkada ang pagdalo sa birthday party ko, naisip ko na dapat mas OK ang handaan ngayong taon.

Nagpaalam ako sa nanay at tatay ko. Nang sila’y pumayag, agad ko nang sinimulan ang aking makinarya. Nang-imbita, gumawa na ng imbitasyon, gumawa na ng listahan ng mga may ispesyal na gagawin, nangulit, nagmakaawa…isang linggo ko ding iniisip kung may mga pupunta nga ba.

Ang usapan lang namin ng nanay ko, magpapa-cater daw kami ngayong taon. Natuwa naman ako nang sinabi niya yun…at least ngayon iba na. Pero hindi ko inakalang todohan pala ang paghahanda na gusto ng nanay ko.

Ano nga ba talaga ang gusto ko? Una, makapaghanda para sa mga kaibigan ko. Kahit kaunting pagkain lang, solb na! Pangalawa, mapagsama ang dalawang malalaking bulto ng mga kaibigan ko (UPIS at Intarmed) sa iisang handaan. Pakiramdam ko kasi, hindi sila bagay magsama. Pangatlo, magkaroon ng mga regalo. Tagal ko na kasing hindi nakakapagbukas ng mga regalo e, kahit krismas, aguinaldo na lang ang natatanggap ko. Gusto ko uli maranasan ang kasiyahang nadarama ng mga bata sa tuwing magbubukas sila ng mga regalo.

Nagsimula na ang klase kaya kinailangan ko nang bumalik sa dorm noong Lunes at hindi ko na nauupdate ang paghahanda sa party. Ang alam ko lang, magpapacater (akala ko kaswalan lang na catering, as in buffet sa table at kainan lang, wala nang mga disedisenyo) at baka mag-rent ng tent kapag feeling uulan. Yun lang.

Pero pagbalik ko sa bahay ng Friday, laking gulat ko na lang kung gaano kaengrande ang naging set-up ng handaan ko…parang debut! Napanganga na lang ako at saka sinabing “Ayus! Mukhang magiging under-dressed ang mga tao.”

Unti-unti nang nagsidatingan ang mga tao. Lahat sila, nagtataka…kahit ako. Hindi ako makapaniwala sa kung anong kinalabasan ng handaan ko. Kulang na lang ng video coverage, ice sculpture at live music, pwede nang pang-kasal ang venue! Hindi ko alam kung magiging masaya ba ako o maguiguilty. Hindi ganito ka-engrande ang iniisip ko…nasobrahan yata sa pagpaplano ang nanay ko.

Habang tumatagal ako sa lugar, unti-unti ko ding naipapaniwala sa sarili ko na totoo nga ang nangyayari. Unti-unti din akong sumasaya, at nagiging excited sa kung anong mang mga maaaring mangyari.

Nagsimula rin ang programa. Sinabi ko sa mga hosts na ang tanging kasama lang sa programa ay ang 19 shots at 19 regalos. Pero hindi. Ang gabing iyon ay puno pala ng mga sorpresa. Si Ino at Poto ay nakapaghanda ng rap, nagsalita ang aking mga magulang, makwela at benta ang mga hosts, at pinagsalita ako sa huli ng programa!

etong isang litrato muna, tsaka na yung iba…


nakikita mo ba yung tent sa taas at may christmas lights pa? you should get the picture by now…😆 ako yung naka superman tie (na bigay ni Tara) at kasama ko yung imed friends ko na pumunta.😀

Tulog na lahat ng tao. Tuloy ko na lang kwento next time…

Time out: 11/14 – 12:45am