Sinimulan isulat: 12:31 AM

Ang hahaba na ng mga araw ko sa mga nakalipas na araw. Kahapon, buong araw akong naglilinis ng bahay. Natulog ako ng 4am, nagising ako ng 8:30am para linisin yung likod ng bahay namin. Doon kasi nakatambak lahat ng mga luma na naming gamit, mula sa mga lumang laruan hanggang sa mga lumang libro.

Marami akong mga nakitang mga luma kong laruan. Yung iba, pwede pang magamit. Ewan. Kung dati pa siguro ako nag-linis ng likuran namin, at nakita ang mga laruang iyon, marahil may attachment pa rin ako sa kanila. Ayoko pa sigurong ipamigay o ibenta.

Ganun ako e, actually kaming buong pamilya. Sentimental, (o baka praktikal?) Basta’t pwede pang magamit, kahit na hindi sigurado o indefinite pa ang panghinaharap na gamit ng lumang bagay, isasantabi itatambak lang namin ang mga ito. Mananatili iyon doon hanggang sa may isa sa aming ganahang mag-linis at makipagbakbakan sa sandamukal na alikabok na namuo na sa mga itinabi itinambak naming mga gamit. Nangyari iyon kahapon, at ako ang ginanahan dahil may party ako sa Biyrnes at doon sa likuran ang handaan.

Habang ako’y naglilinis, at nakita ang mga laruan ko (at ilang mga libro at lumang litrato), wala akong naramdamang panghihinayang habang inilalagay ko sila sa pile ng mga pwedeng ipamigay at/o ibenta. Nakita ko ang isa sa mga laruan kong alalang-alala ko pang iniyakan ko sa SM nang minsang tumangging bilhin ni daddy, pero napilitan din siya dahil sa walang tigil kong pagngiwi.

Alalang-alala ko pa…nakita ko ang advertisement ng Creepy Crawlers sa ABS-CBN isang linggo bago ang mga cartoons. Dali-dali kong niyaya tatay ko na pumuntang SM para magpabili ng ibang gamit, pantalon yata. Pero nasa isip ko na noon na oras na dumaan kami sa TOYS section, ipapabili ko yung Creepy Crawlers. [Ang Creepy Crawlers ay isang laruan kung saan maglalagay ka ng liquid plastic sa mga molde ng iba’t ibang insekto at i-bebake mo gamit ang isang laruang oven. Paglabas sa oven, matigas na yung mga plastik na insekto at may mga pwede ka nanag pantakot sa mga kapatid mo. Hehehe…]

Naging diplomatiko naman si daddy e, tinanong niya yung presyo…sanlibo daw sabi ng ale. Napangiwi si daddy noon, at sinabi sa akin na iba na lang ang ipabili ko. Pero bilang isang batang nalason na ng TV ang utak (at wala pa sa bokabularyo ang pagtitipid), tumahimik na lang ako at hindi ko kinakausap ang tatay ko. Kumain kami noon pagkatapos sa McDo sa carpark, hindi ko pa rin siya kinakausap. Nakakibit-kamay lang ako noon at ‘pag tinatanong ay nakangiwi kong winiwikang, “ewan…” Matapos naming kumain, sinabi ni Daddy, “tara, punta na tayong TOYS, bibilin na natin yung laruan mo!” Binili nga namin, at minahal ko iyong laruang iyon. Grade 4 ako noon, at bawat araw, nilalaro ko iyon. Iningat-ingatan ko iyon, hindi ko nga pinapalaro sa mga kapatid ko e. Baka kasi masira.

Pero nang makita ko uli iyon sa likuran namin, wala na akong paki-alam sa kanya. Para kaming hindi nagsama nang apat na taon (oo, nilalaro ko pa iyon hanggang 1st year HS). Parang hindi ko siya iniyakan, hindi ko pinagdramahan. Parang wala lang…

Oo, alam kong wala naman talaga akong dapat maramdaman. Pucha, 2nd year college na ako, matanda na kamo…wala nang oras para sa kung anu-anong mga laruan. Pero dahil kilala ko ang sarili ko, alam kong DAPAT nahihirapan akong magpakawala. Sentimyento ang may kagagawan. Pero wala na nga…

Wala na nga siguro akong sentimyento ngayon. Mas naging lohikal na at organisado ang pag-iisip. Epekto ng alin? Hindi ko alam. Tumanda lang siguro ako, kinalakihan ko na.

———————–

Kagabi, ganitong oras din, sinimulan ko naman linisin ang kwarto ko. Napakarami kong mga papel na nakatago dito, at kung anu-anong mga abubot. Nakakita ako ng mga dating quiz noong Grade 7 (1st yr HS), mga iskrip ng mga maiikling dula namin sa Filipino, mga long exams sa Araling Panlipunan, mga bluebook sa Chemistry, at kung anu-anong mga gawaing pasulat. Yung mga proyekto ko sa English (mga proyektong ipinagmamalaki ko nang buong puso dahil puro perfect ang mga grado ko sa mga ito) ay nahalungkat ko din, may mga workbooks din ako sa Health na nahalungkat, pati mga eksam sa Trigonometry. Anong ginawa ko sa mga ito? Itinapon ko.

Noong hayskul, iniisip ko, hindi ako magtatapon ng kahit na anong papel ko, kahit gaano pa man kaliit ang halaga nito. Iniisip ko kasi, lahat ng mga iyon ay sumasalamin sa kung sino ako bilang isang estudyante. Ang sarap magkwento sa mga anak o kaya sa mga apo mo gamit ang mga ganoong mga “pa-epek”, yun ang lagi kong iniisip. At kapag titignan mo kunwari ang isang pagsusulit kapag matanda ka na, iniisip kong maalala mo nang lubusan ang sandali kung kailan mo sinagutan ang pagsusulit na iyon at maalala mo kung gaano mo kahirap pinaghandaan ang eksam na iyon.

Mali pala iniisip ko. Kagabi, habang dinadaanan ko ang mga iyon, dadalawang opsyon lamang ang laman ng isip ko: (1) pwede ba itong maging scratch paper? o (2) hindi? Mas madaming mga nasa pile ng patapon, at dalawang itim na garbage bag din ang napuno ko ng iba pang mga basura. “Amoizing…” ika nga ni Sheng, natutulog ako sa isang kwartong sang-kapat ay basura lamang.

Pati mga sirang filecase (na pilit ko pa ding itinatabi dahil baka pwede ko pang gamitin kung kailanman) at mga lata (na pwede kong gamitin kung kailanman bilang lalagyan ng mga bolpen at lapis) ay tinapon ko na kagabi.

Pero meron pa rin akong mga naitabi, mga bagay at mga gawaing pasulat na masyado akong naaliw sa pagbabasa. Nakakita ako ng isang scratch na papel kung saan nakasulat ang isang tula na gawa ko tungkol sa mga dugong noong Grade 6. Eto yung nakasulat:

His big muscular lips

His massive fat belly

His flat, tapering tail

Swishing, swashing — swishing, swashing

On the waters.

His calm little eyes.

Looking at the green sea grass.

Ready to eat,

Munch munch — munch munch.

Oh how wonderful it is

To see a picture like this,

a picture of a dugong.

Tawa ako nang tawa habang binabasa ko ito. Lalo na yung munch munch part. Wala siguro akong magawa noong isang gabi at bigla na lang akong kumuha ng isang scratch paper at nagsulat ng tula. Bentaaaa…

———————–

Iba pang mga bagay:

  • Sumali ako sa Volleyball team ng Med. Kanina yung unang practice namin, 6pm dapat pero 7pm na nagsimula. Araw-araw na ang training namin ngayong linggo kasi sa Sabado may laro na kami. Kalaban namin ang iba pang mga med schools sa NCR kasama ang UERMMMC, UST, FEU, St. Lukes, PLM, San Beda, Bene, Fatima, EAC, atbp. UP Med nga pala ang champions last year sa volleyball kaya defending champs yung team ngayon. Pero kahit ganito, anim lang kaming nagpractice kanina. Well, sana ok kami ngayong Sabado! hehe…gudlak!
  • Magte-10 na nang matapos ang practice, hindi (ata) ako nakapagpaalam sa bahay na late akong uuwi. hehe. Nagpalit na lang muna ako sa dorm ng damit at iniwan na doon ang ibang mga dala ko. Dumaan muna ako sa Wendy’s para kumain, di pa kasi ako naghahapunan. Inorder ko yung BIGGIE supersize nila. Hindi ko kinaya yung laki ng fries at drink nila. Tsk tsk tsk…naalala ko na naman yung sa Suepersize Me na movie…kaya daw tumataba mga tao dahil sa fastfood. Nya. Sana ibalance-out lang noon yung pagpapawis na nagawa ko nung training. hehehe…
  • Unang beses kong mag-bus papuntang Maynila kanina. Mas mura pala siya, P16 lang samantalang ang FX ay P25. Siguro magbubus na lang ako tuwing magcocommute ako papuntang Manila.
  • TRP (Tao Rin Pala) sa Nov 26. Ito ay isang variety show na tradisyon na sa UP Med. Lahat ng batch at orgs ng Med ay magpeperform dito, kasama siyempre ang class namin. Bakit ganoon ang title? Kasi pinapakita dito na ang mga estudyante sa Med, ay…tao rin pala. Bow.😀 Magkasama kaming magtatanghal ng freshies (Class 2011) dahil parehong kulang ang powers namin kapag magsosolo kami. Ang tema daw kasi ay Latino Night, magsasayaw na lang daw kami ng Latin at Street Dance. May choreo na ituturo na lang samin. Ganoon din ang ginawa namin last year kasama ang higher classmen namin na Class 2009, Latin at Street, pero ngayon ayon na sa tema. Sabi sa amin, laughing stock daw palagi ang Intars sa TRP kasi parang mga bata daw kasi kung umasal kung ikukumpara sa ibang mga classes na magpeperform na nakatapos na ng pre-med nila. Last year, hindi ko naman naramdaman ang ganoong pagtrato sa amin at mas lalong ayokong mangyari iyon ngayong taon. Aba…palaban na ata kami ngayon, nakuha namin ang 2nd at 3rd place sa Lady Med ngayong taon at mas paghahandaan pa namin ang iba pang mga susunod na inter-class compets. Hehe…humanda na lang sila. *evil laugh*
  • Malapit na ang berday ko! Whoopee!!!

Natapos isulat: 1:50 AM