Sa ngayon hindi ko alam ang gagawin ko. 3:30 na ng umaga, kaninang 12:30 kararating ko lang galing sa isang debut. Nagkaroon kasi ng after party sa Figaro, at nakainom ako ng kape…bat ngayon anlakas ng epekto sa akin nito, e sa dati, nung ako’y nag-aaral para sa Physio at Anatomy e walang kaepe-epekto ang caffein sa akin at sa simpleng basahan lang ng isang paragraph sa textbook ay pipikit-pikit na ang mata ko. Hay ewan. Restlessness nga ba ang tawag dito o boredom?

Nung isang araw, natapos na rin ang aming (aking) pag-hihirap para sa isang semestre. Bow. Matapos ang araw-araw na (at gabi-gabing) pagpupuyat, pag-aaral, pagbabasa, pagca-cram, pagsusulat, pagtatype, pagre-research at kung anu-ano pa, ang lahat ng ito tumigil na nung Biyernes. Minsan na akong nag-isip na magshift. Gusto ko munang itigil ang lahat, humingi ng bakasyon, mag-LOA, basta’t maitigil lang ang aking paghihirap noon sa pag-aaral. Minsan na ring dumaplis sa isipan kong magpakamatay…nakakatakot, pero totoo. Pero alam ko namang hindi ko gagawin yun, ang desperado ko naman.

Kakaiba kasi ang semestreng ito, iba sa mga nauna kong napagdaanang semestre. Kung dati’y ang mga trabaho’y nakaconcentrate lang sa huling bahagi ng sem, ‘pag malapit na ang finals week, etong sem na ito, bawat linggo ata finals week. Sabay-sabay ang lahat ng gagawin, lahat ng tests, lahat ng quiz, lahat ng papers. Para kaming mga manggagawa sa isang pagawaan ng schoolwork. Pagkatapos mo sa isang gawain, punta ka naman sa sunod hanggang matapos mo ang lahat ng gagawin mo. Araw-gabi, walang pahinga…

Nagyon. At ngayon lang kami nakaranas ng pahinga. Kung tutuusin, noong pagkatapos pa ng play namin, noong gabi pa ng Tuesday. Doon namin unang natamasa, sa buong semestreng ito, (una nga ba? o dahil sa sobrang tagal na namin nang huli namin naramdaman ang ganito ay akala nami’y unang pagkakataon ito?) ang pakiramdam na walang-iniintindi, walang ipinag-aalala…kalayaan sa paggawa. Ang sarap ng pakiramdam. Sa wakas at masasabi na rin namin, nang walang pakiramdam nang pandaraya at guilt, “Wala akong gagawin bukas! Matutulog na lang ako nang mahimbing ngayong gabi!”

Natulog nga ako nun, masarap dahil aircon. Dati, sa dorm, kapag naka-aircon kami, ayoko…dahil gising ako, dahil nag-aaral ako, dahil hindi ako makapag-aral nang mabuti dahil nginangatog ako, dahil naiinis ako’t hindi ko magawang matulog na lang nang mahimbing dahil may kailangan pa akong tapusing libro o paper. Mahaba at walang putol ang tulog ko. Ang dating araw ko na nagsisimula sa bawat paggising sa akin ni Maan tuwing 6:15 am tuwing siya’y nagmimiscol ay nagsimula ng 10:30. Hindi ko na kinailangang magmadali para maligo at magbihis para lang makarating nang nasa oras para sa aking 7am na klase. Nakangiti ako nang ako’y bumangon noong umagang iyon ng Wednesday dahil alam kong wala akong gagawin sa araw na iyon. Sarap!

Nagpatuloy iyon, ang araw ko na walang ginagawa. Ang bawat araw ko na walang inaatupag kundi ay matulog nang maaga at gumising nang magtatanghali na. Hanggang ngayong gabi…wala akong gagawin bukas, kaya kaya kong mag-blog ngayong madaling umaga at hindi matakot sa ginagawa kong (hindi pag-aaral).

Pero ano? Kung ganito lang din ang mangyayari sa amin sa akin ngayong sembreak, hindi nga kaya ma-bore kami ako? Kung ang dating busy-busyhan na schedule nami’y ngayo’y naging isang tabularasa na lamang, hindi ba nakakatakot iyon? Sanay na kami sa pag-aaral, hahanapin at hahanapin din namin iyon anumang mangyari. Gaya kagabi, mga 10:30 noon at nanonood ako ng TV sa aking kwarto. Bigla ko na lang naisipan na kunin ang bag ko at bigla akong naghanap ng kung anuman. Natauhan din akong bigla at naisip kong ang hinahanap ko pala’y notebook ko sa Physio. Ang lala no?

Withdrawal symptoms kumbaga. Kung alisin mo sa isang tao ang isang bagay na naging parte na ng kanyang buhay, hahanap-hanapin niya ito at maaaring magpakita siya ng mga kakaibang sintomas ukol dito. Gaya namin, kaming mga estudyante ng Intarmed, ang pag-aaral ay nakasanayan na namin…alisin man ito sa amin ngayong break…hahanap-hanapin pa rin namin ito.

Gusto ko lang ipakita ang isang analohiya ng pag-aaral para sa amin (as conjured up by Gideon Lasco and Anthony Dofitas):

Ang pag-aaral para sa Intarmed ay parang isang brief ng isang lalaki. Ito ay kailangan, hindi dapat kaligtaan. Pero kung iyong tanggalin, masarap ang pakiramdam…ngunit hahanap-hanapin din ng may-ari ‘pag natagalan.

Totoo. Tanggap ko na na kailangan naming mag-aral. Kaya ngayon, sa ngayong bored ako at walang magawa, sa mga pagkakataong ito, mga pagkakataong wala akong kailangang intindihin, walang inaabala, ako’y magpapahinga nang buong saya at ligaya. Ang bawat gintong sandali’y aking itatamasa sapagkat ang mga sandaling ito’y madalang naming makuha.